Ikinalugod ng grupo ng mga empleyado ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang preventive suspension laban sa 13 opisyal ng ahensya.
Nabatid na nag-isyu si Ombudsman Samuel Martires ng preventive suspension laban sa 13 opisyal ng PhilHealth sa loob ng anim na buwan.
Ayon kay PhilHealth Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment (PhilHealth WHITE) President Fe Francisco, nasupresa sila nang matanggap ang ulat.
Tingin ni Francisco na nararapat lamang ang suspensyon para hindi maimpluwensyahan ang nakabinbing kaso na inihain laban sa kanila.
Umaasa si Francisco na matatapos agad ang imbestigasyon sa PhilHealth at mapanagot ang mga sangkot.
Bumaba aniya ang morale ng mga empleyado sa gitna ng nagpapatuloy na pagsisiyasat sa umano’y korapsyon sa ahensya.
Pagtitiyak ni Francisco na patuloy silang magsisilbi sa publiko at ihahatid ang serbisyo ng ahensya.
Nanawagan din ang grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng ‘caretaker’ sa PhilHealth habang naka-medical leave si PhilHealth Chief Ricardo Morales.