Manila, Philippines – Isinusulong ngayon ng gobyerno ang pagpapataw ng excise tax o buwis sa Sugar Sweetened Beverages o SSB tulad ng softdrinks at powdered juice drinks na may mataas na sugar content.
Paliwanag kasi ni Health Usec. Mario Villaverde – dalawa sa sampung Pilipino ang obese o mas mabigat kaysa sa timbang na naaayon sa kanilang katawan.
Matatandaang kasama sa ipinasa ng kamara na tax reform package ng gobyerno ang panukalang magpataw ng sampung pisong buwis sa kada litro ng ssb na may asukal mula sa Pilipinas at 20 pesos naman kada litro ng SSB na may imported sweetener.
Ibig sabihin, kung maipapasa ito ng walang pagbabago, ang isang litro ng softdrinks na ngayon ay P27 – ay magiging P38 na at ang isang sachet ng powdered juice drink na dating P9.75 ay magiging mahigit bente pesos na.
Kaugnay nito, humiling si Atty. Roman Romulo, executive director ng Beverage Industry Association of the Philippines na huwag naman kaagad magpataw ng buwis na haharang sa paglago ng kanilang industriya at makaka-apekto sa mga magsasaka.
Nangako naman si Senator Sonny Angara, chairman ng senate committee on ways and means na pag-aaralan nilang mabuti ang panukala.