Manila, Philippines – Iginiit ng taxi driver na si Tomas Bagcal na buhay pa si Carl Angelo Arnaiz nang dalhin niya ito sa presinto sa 9th Avenue sa Caloocan City.
Ayon pa kay Bagcal, lumalabas na “scripted” ang pagkakapatay kay Arnaiz, dahil pagdating nila sa presinto ay inutusan siya ng mga ‘di unipormadong pulis na sumunod pabalik sa C3 road.
Hindi rin aniya pinosasan ng mga pulis ang mga kamay ni Arnaiz.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng grupong Rise Up for Life and for Rights si Bagcal.
Una nang inalok ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na isailalim sa Witness Protection Program si Bagcal.
Ayon kay Aguirre, tutulungan nila si Bagcal basta ilahad lamang nito ang kaniyang nalalaman sa pagpatay kay Arnaiz.
Nauna nang sumailalim sa WPP ang magulang ni Arnaiz dahil sa sinasabing may mga umaaligid na kahina-hinalang mga indibidwal sa kanilang bahay.