Manila, Philippines – Nakakagalit at nakakadismaya para sa mga Senador ang pagpaslang kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe sa Daraga, Albay nitong Sabado.
Giit ng mga Senador sa pulisya, agad resobahin ang krimen at tiyaking na mapaparusahan ang may sala.
Diin ni Senator Sonny Angara, walang puwang sa isang demokrasyang lipunan ang ginawa kay Batocabe.
Sabi naman ni Senator Grace Poe, isa itong malungkot na yugto ng kasaysayan ng pulitika sa bansa.
Binatikos din ni Senator Bam Aquino ang nangyari kasabay ng paggiit na dapat ng mahinto ang mga karahasang nagaganap.
Iminungkahi naman ni Senator Nancy Binay sa Commission on Elections na ideklara ang Albay bilang election hotspot dahil bukod kay Batocabe ay may dalawang mamamahayag din ang pinatay dito na umano ay may kaugnayan sa darating na halalan.
Hinikayat naman ni Senator Francis Kiko Pangilinan ang lahat na ipaglaban ang pag-iral ng batas at hustisya para matuldukan ang patuloy na tumataas na kaso ng pagpatay sa ilalim ng Duterte administration.
Para naman kay Senator Richard Gordon, ang pagpatay kay Batocabe ay nagpapakita ng unti unting pagbagsak ng moral sa ating lipunan dahil sa paniwalang ang kultura ng karahasan ang daan para makamit ang inaasam na pagbabago.
Giit ni Gordon sa pamahalaan, tiyakin ang pag-iral ng batas at due process para hindi mapilitan ang mamamayan na ilagay sa kanilang mga kamay ang pagkamit ng hustisya.