Humarap ngayon sa ikapitong pagdinig ng House Quad Committee si PLtCol. (Police Lieutenant Colonel) Santie Fuentes Mendoza.
Kwento ni Mendoza na noong 2019 habang siya ay isang police major na naka-assign sa Philippine National Police o PNP National Headquarters Office ng Deputy Chief PNP for Administration ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Police Colonel Edilberto Leonardo na ngayon ay commissioner ng NAPOLCOM.
Sabi ni Mendoza, hiningi ni Leonardo ang tulong nya para sa pagpatay kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary Wesley Barayuga na utos daw ni dating PSCO General Manager at retired Police Colonel Royina Garma.
Ayon kay Mendoza, noong Hulyo 30, 2020 ay tumawag uli sa kanya si Colonel Leonardo at ipinaalam na ang target na si Wesley Barayuga ay nasa PCSO at pinadalhan din sila ng larawan galing kay Garma habang ang biktima ay nasa conference meeting.
Binanggit ni Mendoza, na sinabi rin ni Colonel Leonardo na hindi sila mahihirapan sa pagsasagawa ng operasyon dahil nag isyu si Garma ng isang service vehicle para gamitin ni Barayuga, at binigay sa kanila ang deskripsyon at plate number ng sasakyan.
Ang nabanggit impormasyon ay ipinasa ni Mendoza kay Nelson Mariano na dati niyang informant sa tungkol sa personalidad ng droga at ito ang nagbigay ng impormasyon sa “Hitman” na si “Loloy”
Inilahad ni Mendoza na matapos ang matagumpay na operasyon ay ipinaalam sa kanya ni PCol. Leonardo na si Garma ay nagbigay ng P300,000 bilang kabayaran para sa kanilang trabaho kung saan 40,000 ang napunta sa kanya.