Mariing kinokondena ng Senado ang brutal na pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, nakakaalarma ito lalo’t kamakailan lamang ay may mga insidente rin ng pananambang na nangyari kina Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Maguindanao del Sur Mayor Ohto Montawal at ang pagpatay kay Aparri Vice Mayor Rommel Almeda.
Sinabi ni Zubiri na ang pananambang at pagpaslang na ginawa kay Degamo habang namamahagi ng ayuda sa kanyang beneficiaries ay nakakagulat at nakakakilabot.
Walang puso at wala aniya sa katinuan ang may gawa ng krimen na ito.
Hinimok ni Zubiri na madaliin ng Philippine National Police (PNP) ang pagiimbestiga sa kaso at siguraduhing mabubulok sa kulungan ang mga nasa likod ng pagpatay.
Para kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, nakakapangilabot at nakakagalit ang magkakasunod na kaso ng pang-ambush at pagpatay sa mga local government official.
Aniya, kitang-kita na walang takot sa mga awtoridad ang mga masasamang loob sa paggawa ng masama dahil ginawa ang krimen na may araw pa.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang mga senador sa pamilyang naiwan ni Gov. Degamo gayundin sa mga pamilya ng mga sibilyang nadamay sa ambush.