Pagpatay kay Reynaldo de Guzman, pinaiimbestigahan sa Kamara

Manila, Philippines – Mariing kinukundena ng MAKABAYAN Bloc sa Kamara ang panibagong kaso ng pagpatay sa isang katorse anyos na si Reynaldo ‘Kulot’ de Guzman.

Ang batang si Kulot ang huling kasama ng 19 anyos na si Carl Angelo Arnaiz na sinasabing napatay ng pulis Caloocan dahil sa panghohold up sa isang taxi driver noong Agosto 30.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, nakakatakot na ang sunud-sunod ng mga kaso ng pagpatay sa mga kabataan, lumad at aktibista.


Dahil dito, maghahain muli ang MAKABAYAN ng panibagong resolusyon na nagpapaimbestiga naman sa pagpatay kay de Guzman.

Natagpuan si de Guzman na palutang lutang sa creek sa Nueva Ecija at nagtamo ito ng 30 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang bata, nakabalot ng masking tape ang mukha at may mga bakas na tinangkang sunugin ito.

Positibong kinilala ng mga magulang ang bangkay ni Kulot na nakita na lang nila sa punerarya sa Gapan Nueva Ecija.

May mga nauna na ring resolusyon na inihain ang mga mambabatas sa pagpatay sa Grade 11 student na si Kian delos Santos at kay Arnaiz.

Kinalampag namang muli ng MAKABAYAN ang liderato ng Kamara na aksyunan ang mga resolusyong inihain na nagpapaimbestiga sa mga kaso ng extra judicial killings.

Facebook Comments