Iimbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagpatay ng mga pulis sa isang 16-anyos na lalaki sa isang anti-drug operation sa Biñan, Laguna.
Ayon kay CHR Spokesperson Jacqueline De Guia, nababahala siya sa pagkamatay ng binatilyong si Johndy Maglinte at kasama nitong si Antonio Dalit.
Nais nilang malaman ang katotohanan sa likod ng insidente, at mabigyan ng hustisya kung mapatunayang may ginawang human rights violation ang mga pulis.
Hinimok ng CHR ang pamahalaan na pabilisin ang imbestigasyon sa extrajudicial killings, lalo na sa mga nasasangkot sa giyera kontra droga.
Binigyang diin ng CHR na napukaw na ang atensyon ng United Nations Human Rights Offices ang malawakan at sistematikong pagpatay sa mga hinihinalang drug suspects.
Una nang sinabi ng mga pulis na “nanlaban” sina Maglinte at Dalit habang sila ay pinagsisilbihan ng arrest warrant, pero itinanggit ito ng pamilya ng binatilyo.
Samantala, sinabi ni Police Regional Office 4A Spokesperson Police Lieutenant Colonel Chitaddel Gaoiran na bukas sila sa anumang imbestigasyon.