Lubos na ikinalulungkot ng Western Mindanao Command (WESMINCOM) ang pagkamatay ng apat na operatiba na nagtatrabaho sa Intelligence Service Unit (ISU) ng Philippine Army nang mapagkamalan silang kalaban ng mga pulis na nagbabantay sa checkpint sa Barangay Bus-bus, Jolo, Sulu kahapon.
May mga litrato na kumakalat sa social media kung saan nakahandusay sa kalsada ang tatlong lalaki pero walang makikitang mga armas.
Para kay WESMINCOM Commander, Lieutenant General Cirilito Sobejana, tila ‘overkill’ ang nangyari.
Batay sa report, ang apat na miyembro ng 9th ISU ay nagsasagawa ng intelligence-gathering lulan ng isang grave SUV nang paputukan sila ng mga tauhan ng Jolo Police at Drug Enforcement Unit na nakatalaga sa lugar.
Ang apat na intelligence operatives ay tinutunton ang lokasyon ng mga suicide bombers sa ilalim ng grupo ni Mundi Sawajaan sa koordinasyon ng Joint-Task Force Sulu at 11th Infantry Division.
Sinabi ni Sobejana na maaaring may pagkukulang sa judgement call sa bahagi ng mga pulis nang sila ay magpaulan ng bala.
Hiniling na ng WESTMINCOM ang impartial investigation mula sa National Bureau of Investigation (NBI).