Pagpatay sa isang Magsasaka sa San Mariano, Isabela, Inako ng NPA!

*UPDATE: *Paniniktik ang isa sa tinitignang anggulo ng PNP San Mariano kaugnay sa pinatay na magsasaka matapos akuin ng mga rebeldeng grupo ang pamamaslang kay Efren Deolazo, 50 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Cataguing, San Mariano, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Major Fedimer Quitives, hepe ng PNP San Mariano, nagpalabas ng statement ang New People’s Army at inaako ang pamamaril kay Deolazo noong Marso 1, 2019 sa Sitio Nabantad, Brgy. Buyasan, San Mariano, Isabela.

Ito ay dahil umano sa paniniktik o pagsusumbong ni Deolazo sa pamahalaan hinggil sa mga isinasagawang aktibidades ng makakaliwang grupo.


Isa rin sa tinitignang anggulo ng mga otoridad base sa statement ng NPA ay ang pagkakasangkot ni Deolazo ng dalawang mabibigat na kaso gaya ng kasong Panggagahasa at Pagpatay noong 2016 sa magkahiwalay na barangay sa bayan ng San Mariano.

Nilinaw naman ng hepe na bago pa mangyari ang pamamaslang kay Deolazo ay natapos na ang kaso nito dahil nakipag-areglo anya ang mga pamilya ng nabiktima nito.

Patuloy pa ang PNP sa pagkalap ng mga ebidensya upang masampahan na ng kaulang kaso ang mga responsable sa pagpatay kay Efren Deolazo.

Magugunita na pasado alas onse ng umaga noong Marso 1, 2019, pwersahang kinuha ng tinatayang nasa limang miyembro ng NPA si Deolazo habang nakikipag-usap kay Ginang Filipina Pascual at natagpuan na lamang ang bangkay nito sa isang daan sa Sitio Nabantad, Brgy. Buyasan, San Mariano, Isabela.

Facebook Comments