Kinokondena ng grupong Bagong Alyansang Makabayan ang pagpaslang kay Randy Malayao na isang NDFP peace consultant, peace advocate at dating political prisoner.
Si Malayao ay binaril kahapon habang nasa loob ng isang bus sa Aritao, Nueva Vizcaya.
Aktibo si Malayao sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan, at wala din umanong pending na kasong kriminal sa anumang korte.
Ang pagpatay kay Malayao ay naganap matapos kanselahin ni Duterte ang peace talks sa NDFP at deklarasyon ng all-out war laban sa CPP-NPA.
Giit ng Bayan, walang ibang maaaring motibo sa pagpaslang kundi ang political activities at affiliation ni Malayao.
Kasunod nito nananawagan ang grupo ng hustisya para kay Malayao at sa lahat ng mga biktima ng panunupil ng rehimeng Duterte.
Ayon pa sa grupo, napasama si Malayao sa nasa 600 na indibidwal na ipinadedeklarang terorista ng Department of Justice (DOJ) noong Pebrero 2018.