Pagpatay sa radio broadcaster sa Negros Oriental, pinaiimbestigahan na ng DOJ

Inatasan na ng Department of Justice (DOJ) ang Presidential Task Force on Media Security na imbestigahan ang pagpatay sa radio broadcaster sa Negros Oriental.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, na siya ring Chairperson ng naturang Task Force, posibleng atasan din niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng parallel investigation o di kaya ay tumulong sa Task Force para maresolba ang pagpatay kay Cornelio Pepino.

Partikular niya aniyang aatasan ang NBI kapag may basehan na maaring sangkot ang iba pang law enforces sa pagpatay sa biktima.


Una nang bumuo ang Philippine National Police (PNP) Region 7 ng special investigation task group na tututok sa pagpatay kay Pepino noong Martes ng gabi sa bayan ng Sibulan.

Si Pepino o Rex Cornelio ay binaril ng hindi nakilalang mga suspek na sakay ng motorsiklo

Sakay din si Pepino ng kanyang motorsiklo kasama ang maybahay nito mula Dumaguete City nang mangyari ang pamamaril.

Nagtamo ang biktima ng multiple gunshot wounds habang nakaligtas naman ang misis nito at nasa stable ng kalagayan sa ospital.

Facebook Comments