Pagpayag ng gobyerno na mag may-ari ng 100% ang mga dayuhang investors sa renewable projects sa bansa, makakatulong para makuha ang target na 50% renewable energy pagsapit ng 2040

Pinapayagan ng pamahalaan ang mga dayuhang investors na mag may-ari ng 100% renewable projects sa bansa.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Energy (DOE) Usec. Rowena Guevarra na bukod dito ay maari pang mag-enjoy ang mga dayuhang investor sa tinatawag na renewable energy incentives katulad ng income tax holiday sa loob ng pitong taon, corporate tax na 10%, income tax holiday at duty free importation sa loob ng 10 taon at iba pang benepisyo.

Paliwanag ni Guevarra, sa pamamagitan ng 100% na pagmamay-ari ng mga dayuhan, kakayaning maabot ang target na 50% na renewable energy pagsapit ng taong 2040.


Sa kasalukuyan, target ng pamahalaan ang 35% renewable energy sa 2030 mula sa kasalukuyang 22.8% pa lamang kaya isinusulong ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ni Guevarra, nakikipag-usap na ang DOE sa Securities and Exchange Commission o SEC at Department of Trade and Industry (DTI) upang matulungan ang mga dayuhang investor na makapagparehistro upang makuha ang mga insentibo at benepisyo para sa renewable energy projects.

Facebook Comments