Ikinatuwa at pinalakpakan ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee ang pasya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipagpaliban ang pagtaas ng pasahe sa Light Rail Transit o LRT 1 & 2 hanggang wala pang masusing pag-aaral sa magiging epekto nito.
Diin ni Lee, malaking ginhawa ang hakbang ng pangulo para sa ating mga estudyante at manggagawa na bumubuo sa karamihan ng mga sumasakay sa LRT at MRT.
Ayon kay Lee, sila ang magiging pinaka-apektado kapag nagtaas ng pamasahe, lalo at nakabalik na tayo sa face-to-face na klase at trabaho.
Pinasalamatan din ni Lee si Transportation Secretary Jaime Bautista sa pagiging senstibo sa kapakanan ng ordinaryong mamamayan.
Ipinaalala ni Lee na ang pagpapatupad ng fare hike ay dagdag pasanin sa publiko lalo at umiiral pa rin ang inflation o mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.
Kaya naman panawagan ni Lee sa kinauukulan, patuloy na maghanap ng paraan upang maibsan ang mabigat nang pasan ng ating mga kababayan.