Pagpigil sa mga maliliit na tindahan na magbenta ng mga over-the-counter medicine, binatikos ni Senator Pacquiao

Mariing tinutulan ni PROMDI presidential bet Sen. Manny Pacquiao ang panukala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pigilan ang mga maliliit na tindahan na magbenta ng mga over-the-counter medicine ng walang permit.

Ayon kay Pacquiao, ito ay anti-poor, hindi makatarungan at impraktikal para sa mga mahihirap lalong-lalo na sa mga nakatira sa mga liblib na lugar.

Sabi ni Pacquiao, dagdag na pasanin para sa may-ari ng maliliit na tindahan na kailanganin pang kumuha ng mga permit.


Idiniin ni Pacquiao na ang mga sari-sari store ang pinaka-accessible na bilihan ng mga gamot na kailangan ng mga mahihirap at ng mga nakatira sa kanayunan para sa mga pangkaraniwang karamdaman tulad ng lagnat, trangkaso, dismenorya o pananakit ng tiyan at katawan.

Diin pa ni Pacquiao, hindi naman lahat ay may sasakyan para umalis patungong bayan para bumili ng gamot lalo na sa gabi.

Katwiran pa ni Pacquiao, karamihan ay tingi-tingi lang kung bumili kaya baka mas mahal pa yung pamasahe o gasolinang kinonsumo sa bibilhin nilang gamot sa drugstore.

Facebook Comments