Hindi dapat ikinukumpara ang pagpili ng COVID-19 vaccines sa pagbili ng sabong panlaba.
Ito ang tugon ng Malacañang sa pahayag ng komendyanteng si Vice Ganda na kung ang mga Pilipino ay pihikan sa sabong panlaba, dapat ding maging mapili sa kung anong bakuna ang ituturok sa kanilang katawan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, limitado ang global supply ng bakuna hindi tulad ng mga detergent soaps na maaaring mabili sa kahit saang pamilihan.
Aniya, nakikipag-agawan ang Pilipinas sa iba pang developing countries para makakuha ng bakuna.
Punto pa ni Roque, ang bulto ng vaccine supply ay nakuha na ng mga mayayamang bansa.
Nanawagan si Roque sa publiko na pagkatiwalaan ang mga health experts at hindi ang mga komedyante dahil sila ang nakakaalam kung ligtas at mabisa ang mga bakuna.
Pagtitiyak ng Palasyo na ang mga bakunang ligtas at epektibo ang gagamitin ng pamahalaan sa vaccination campaign laban sa COVID-19.