Pagpiprisinta ng mga ebidensya ng NBI sa Sandiganbayan laban kay Mary Ann Maslog, hindi natuloy ngayong hapon

Hindi natuloy kanina ang pagpiprisinta sana ng mga ebidensya ng NBI sa Sandiganbayan laban kay Mary Ann Maslog.

Si Maslog na isang ahente ng publishing company ay kabilang sa mga naakusahan ng graft kasama ang dalawang taga-Department of Education (DepEd), na noong 1998 ay Department of Education, Culture and Sports (DECS).

Pero na-dismiss ang kaso kay Maslog dahil napaulat na patay na siya noong 2019 hanggang sa lumutang ito at nabisto umanong nagpalit ng pangalan bilang Jessica Francisco.


Ipinagpaliban ni Sandiganbayan 2nd Division Presiding Justice Geraldine Econg ang pagdinig sa November 18, 19, at 20 dahil wala ang dalawa nitong associate justices.

Dumalo kanina ang grupo ng NBI Dactyloscopy Division na sila sanang maghaharap ng fingerprints na magpapatunay na iisang tao lang sina Mary Ann Maslog at Jessica Francisco.

Tumanggi naman na muling magbigay ng pahayag sa media si Francisco pero nauna nang iginiit ng kanyang mga abugado na hindi si Mary Ann Maslog ang kanilang kliyente.

Facebook Comments