Pagpirma ni Pangulong Duterte sa free tuition fee bill, labis na ikinatuwa ng mga estudyante

Manila, Philippines – Ipinagbubunyi ng League of Filipino Students ang ginawang paglagda ng pangulo sa free tuition fee bill para sa mga State Universities at Colleges ngayong umaga.
Gayunpaman ayon kay Cha France, Deputy Secretary General ng LFS, magsasagawa pa rin sila ng mga pagkilos na tututok naman sa administrasyon ng mga SUCs. Ito aniya ay upang matiyak na susunod ang mga ito.

“Nananatili ding naka pwesto ‘yung ating mga laban sa mga susunod na araw partikular sa mga eskwelahan para tiyakin na walang ibang mga paraan na gagamitin ‘yong mga administrasyon para bawiin ‘yong ganitong klase ng tagumpay ng mga estudyante.”

Samantala binatikos naman nila ang pagiging negatibo ng Department of Budget and Management at iba pang economic manager’s ng pangulo. Ayon kay France, imposibleng walang sapat na pondo ang gobyerno para sa libreng edukasyon dahil, napakalaki aniya ng perang inilalaan ng gobyerno para sa mga polisiya nitong pangkapayapaan.


“Hindi tayo naniniwala na walang sapat na kakayahan ang gobyerno para suportahan ang education, actually napakalaki ng perang inilalaan ng gobyerno para sa militarization, para sa pagpopondo ng war on drugs ng tokhang, at Oplan Kapayapaan at iba pang mga polisiya ng gobyerno kaya hindi totoo na wala silang kakayahan na suportahan ang edukasyon.”
Kaugnay nito, ayon kay France, mananatiling nakabantay ang kanilang hanay sa mga magbabalak pang kumontra at humarang dito.

Facebook Comments