Pagplantsa sa purchase agreement para sa gamot kontra COVID-19 na Molnupiravir, suportado ng FDA

Walang nakikitang problema ang Food and Drug Administration (FDA) sakaling maghanda na rin ang Pilipinas sa purchase agreement para sa experimental antiviral pill ng US drugmaker na Merck.

Ito ang Molnupiravir, na base sa mga inisyal na pag-aaral ay nakakabawas ng 50% ang tiyansa na magkaroon ng severe case at mauuwi sa kamatayan ang mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 kapag sila ay nabigyan ng naturang gamot.

Sa press conference sa Malakanyang, ipinaliwanag ni FDA Director General Eric Domingo na tulad sa kaso ng COVID-19 vaccines bago pa man nagkaroon ng regulatory approval ang mga bakuna ay nakapag-ayos na ng mga purchase agreement ang mga bansa kabilang na ang Pilipinas.


Aniya, isinasaad na lamang sa mga kondisyon na kailangan munang magkaroon ng approval o Emergency Use Authorization ang mga bakuna, bago tuluyang mai-deliver at maipagamit sa bansa.

Ito ang dahilan ayon sa opisyal kung bakit wala siyang nakikitang problema sakaling gawin muli ito ng Pilipinas para sa antiviral drug na ito na Molnupiravir.

Gayunpaman, ang National Task Force (NTF) pa rin aniya ang may final say rito.

Facebook Comments