Nagbabala ang World Health Organization (WHO) na ang paggamit ng anti-parasitic drug na Ivermectin bilang gamot laban sa COVID-19 ay magreresulta lamang ng false confidence sa mga tao at mapanganib sa mga gagamit nito.
Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni WHO Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe, hindi nakatutulong ang paggamit ng Ivermectin para protektahan ang mga tao mula sa virus.
Dagdag pa ni Abeyasinghe na walang sapat na datos na nagpapatunay na pwedeng inumin ng tao ang Ivermectin o gamitin sa mga pasyenteng may COVID-19.
Ang Ivermectin ay isang veterinary medicine at nakalalason ito sa mga tao.
Sa mga inisyal na pag-aaral, wala pa ring katibayan para i-promote ang Ivermectin bilang COVID-19 treatment o preventive drug.
Mahalagang magkaroon ng masusing clinical trials para patunayan ang bisa ng Ivermectin.
Sinabi naman ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, ang Ivermectin ay nakarehistro lamang sa kanila bilang veterinary drug.
Wala pa silang natatanggap na anumang application para sa emergency use, compassionate use o request para isyuhan ng certificate of product registration para magamit ito sa tao.