Target na rin ng Kamara na imbestigahan ang Malasakit Centers na nakikinabang sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Batay sa budget presentation ng PCSO, nasa P2.8 Billion na kabuuang kita ng ahensya ang inilalaan sa Indigent Medical Assistance Program o IMAP kasama na dito ang pondo para sa Malasakit Centers.
Giit dito ni Albay Rep. Edcel Lagman, mas nagagamit bilang partisan tool ang Malasakit center sa halip na medical outlet lalo’t may impormasyon na mas marami pa ang nagkakasakit kumpara sa nabibigyan ng tulong.
Depensa naman dito ni PCSO General Manager Royina Garma, ang layunin ng Malasakit center ay mag-streamline ng mga serbisyo para hindi na magtungo sa kanilang branches ang mga humihingi ng tulong.
Una nang inihain sa Kamara ang House Bill 1140 para sa institutionalization ng Malasakit Centers sa buong bansa kung saan maaaring dumirekta dito ang mga indigent patients sa halip na magtungo sa concerned agencies para magpresenta ng medical bills o abstract.
Nitong March 2019 ay nakapagbigay na ng P300 million na medical financial assistance kada buwan ang Malasakit Centers sa mahigit 100,000 pasyente.