Tiniyak ni Finance Committee Chairman Sonny Angara na tuloy-tuloy ang pagbibigay ng pondo para sa teaching supplies allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Ayon kay Angara, titiyakin niya na palaging nakapaloob sa national budget ang pondo para sa teaching supplies allowance ng mga guro na sa kasalukuyan ay nasa P5,000 kada taon.
Itutulak din ng senador ang pag-apruba sa Senate Bill 1964 o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act kung saan itataas sa P10,000 kada-taon ang teaching supplies allowance ng mga guro.
Binigyang-diin ni Angara na mahalagang matugunan ang pangangailangan ng mga guro para sa pagtuturo at hindi dapat na nag-aabono pa ang mga guro para bumili ng kanilang supplies dahil kulang ang galing sa pamahalaan.
Umaasa si Angara na susuportahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukala at aaprubahan para sa kapakanan ng mga guro at mga mag-aaral.