Pagprayoridad sa panukalang batas para sa pagpapatuloy ng AFP modernization, iginiit ng lider ng minorya sa Kamara

Umaapela si House Minority Leader at 4Ps Partylist Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan sa mga mambabatas na iprayoridad ang pagpasa ng bagong batas para sa pagpapatuloy ng modernisasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Libanan, magtatapos na sa 2027 ang 15-taong Revised AFP Modernization Program na isinabatas noong 2012.

Giit ni Libanan, kailangan ng bagong batas para magkaroon ng smooth transition sa susunod na yugto ng modernisasyon sa hanay ng pwersa ng militar.

Diin ni Libanan, layunin nito na masigurado ang tuloy-tuloy at pangmatagalang pagpaplano na syang titiyak sa kakayahan at kahandaan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa harap ng mga hamon sa seguridad.

Binanggit ni Libanan, na 1995 unang inaprubahan ng Kongreso ang 15-taong AFP Modernization Program na may P50 billion na paunang pondo na pinalawag noong 2012 at dinagdagan ang alokasyon.

Facebook Comments