Pagprayoridad sa PSG na mabigyan ng COVID-19 vaccine, suportado ni Sen. Gatchalian

Walang nakikitang masama si Senator Sherwin Gatchalian kung prayoridad na nabigyan ng COVID-19 vaccine ang mga miyembro ng Presidential Security Group o PSG.

Paliwanag ni Gatchalian, maituturing na frontliners din ang PSG na palaging nakadikit sa Pangulo na trabaho nilang protektahan at siguraduhin na hindi malalagay sa alanganin.

Diin ni Gatchalian, ngayong may pandemya ay kailangang maalagaang mabuti ang Pangulo na siyang nagdedesisyon ng makabubuti para sa bansa.


Para kay Gatchalian, hindi isyu na inunang bakunahan ang PSG members kundi ang smuggling ng COVID-19 vaccine.

Ikinatwiran ni Gatchalian na anumang hindi magandang pangyayari na idudulot ng hindi otorisadong bakuna ay posibleng magpahina sa tiwala ng mamamayan sa vaccination program.

Tinukoy pa ni Gatchalian ang resulta ng OCTA Research Survey na kulang-kulang 30% lamang ng mga Pilipino ang payag na magpabakuna laban sa COVID-19.

Facebook Comments