Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Binalonan ang mga hakbang sa pangangalaga ng kalinisan sa dinarayong pilgrimage area sa bayan kasunod ng isinagawang clean-up drive sa Sitio Lubas, Barangay Sta. Catalina, Pangasinan.
Isinagawa ang aktibidad ng ilang kabataan katuwang ang mga awtoridad bilang tugon sa dumaraming basurang naiiwan ng mga bumibisita sa lugar.
Ayon sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at Binalonan Tourism Office, layunin ng inisyatiba na mapanatili ang kalinisan at maprotektahan ang kapaligiran ng pilgrimage site na madalas puntahan ng mga deboto at turista.
Nakilahok din sa clean-up drive ang mga opisyal at residente ng Barangay Sta. Catalina, gayundin ang mga kinatawan ng Sta. Catalina Integrated School, bilang bahagi ng sama-samang pagkilos para sa kaayusan at pangangalaga sa kalikasan.
Kasabay nito, muling nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na maging responsable sa kanilang pagbisita at iwasan ang pag-iiwan ng basura upang mapanatiling malinis, ligtas, at kaaya-aya ang pilgrimage area.







