PAGPROTEKTA SA MGA ALAGANG HAYOP LABAN SA PAPUTOK, IGINIIT

Habang papalapit ang pagdiriwang ng Bagong Taon, patuloy ang paalala ng Kagawaran ng Kalusugan, hinggil sa kahalagahan ng pangangalaga sa kaligtasan ng mga alagang hayop mula sa panganib ng mga paputok.

Ayon sa DOH-CHD 1, ang mga alagang hayop, tulad ng mga aso at pusa, ay maaaring makaranas ng matinding stress dulot ng malalakas na tunog ng paputok.

Upang maiwasan ito, iminungkahi ng ahensya na ilagay ang mga alaga sa isang ligtas, tahimik, at saradong lugar sa bahay.

Bukod dito, pinaalalahanan din ang mga may-ari na tiyaking sapat ang pagkain at inumin ng kanilang mga alaga upang hindi magutom o mauhaw habang nagaganap ang selebrasyon. Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na layunin na gawing mas ligtas hindi lamang para sa mga tao kundi pati na rin sa mga hayop ang pagsalubong sa bagong taon.

Panawagan din ng DOH sa publiko ang paggamit ng alternatibo, tulad ng ingay mula sa torotot at iba pang ligtas na pampasaya, upang mabawasan ang masamang epekto ng mga paputok sa kalikasan at kapaligiran.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan sa ilang rehiyon ang pagpapatupad ng mga patakaran upang limitahan ang paggamit ng mga paputok, alinsunod sa kampanya para sa ligtas na Bagong Taon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments