Binalewala ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr., ang protesta ng China kaugnay sa ginawang aksyon ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos palakasin ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang pagbabantay sa mga teritoryo ng Pilipinas kung saan dinagdagan ang mga high-speed tactical watercraft, police gun boats, at police fast boats para sa law enforcement patrols sa Kalayaan, Bajo de Masinloc at buong western seaboard ng bansa.
Ayon kay Locsin, ipagpatuloy man ng China ang protesta nito ay hindi matitinag ang Pilipinas sa patuloy na pagprotekta sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Patuloy ding maninindigan ang Pilipinas sa pagkakapanalo sa Permanent Court of Arbitration na isinampa ng bansa laban sa China noong 2016 kaugnay sa South China Sea.
Tiniyak naman si Locsin na itutuloy pa rin ng bansa ang pagsasampa ng mga diplomatic protest upang tuluyang mahikayat ang China na alisin na ang mga militia vessels nito sa teritoryo ng bansa.