Panahon na para pag-isipan ng taumbayan kung sino ang karapat-dapat na ihalal sa susunod na eleksyon na siguradong kakatawan sa interes ng publiko at hindi sa pansariling kapakanan lamang.
Ito ang panawagan ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Chairman Teddy Casiño sa gitna ng namumurong political dynasty sa bansa kasunod ng anunsyo ni Vice President Sara Duterte na may tatlo pang Duterte na tatakbo sa Senado.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Casiño na malaking hamon sa mga mamamayan kung paano mapupuksa ang political dynasty na kumukontrol sa bansa.
“Ang politika sa Pilipinas talagang kontrolado ng dynasty. Alam natin ‘yung pera, ‘yung kapangyarihan, ‘yung karahasan grabe tuwing eleksyon, at ‘yan talaga ang malaking hamon para sa ating mamamayan; paano natin pangingibabawan ‘yung kontrol sa puder at sa kapangyarihan at sa pera nitong mga political dynasty na ito at mabigyan tayo ng choice na pumili naman ng tunay na kakatawan sa ating interes at hindi lang sa interes ng kani-kanilang pamilya.”
Samantala, naniniwala naman si Casiño na posibleng pagpapapansin lamang ng mga Duterte ang planong pagtakbo sa pagka-senador sa 2025 midterm elections para mapag-usapan sila.
Pero malinaw na pagpapakita ito ng kawalan ng pananagutan sa mga isyung kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte gaya ng kontrobersyal na war on drugs at bilyong pisong Pharmally scandal.
“The fact na binanggit nila ‘yan sa kalagayang iniimbestigahan ngayon sa Kongreso ‘yung pananagutan ni (dating) Pangulong Duterte sa pagkamatay ng more or less 20,000 victims ng drug war, ay talagang kahindik-hindik.
Matapos lumabas sa mga hearings na ito, nakita natin ‘yung legacy nila na mga pagpatay, gyera, ‘yung nangyari sa Pharmally, ‘yung kapalpakan ng COVID, meron pa silang lakas ng loob na mag-float ng tatakbo ng 1-3 candidate sa 2025.”