Pumalag si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa pagpuna ni Albay Rep. Joey Salceda sa pagpapagawa ng Senado ng senate building na aabot sa P10 Billion sa halip na itatag ang Department of Disaster Resilience (DDR).
Ayon kay Sotto, “unfair” na punahin ni Salceda ang Senado dahil wala namang kinalaman ang pagtatayo ng gusali sa pagtatatag ng departamento at hindi rin naman ito mapapakinabangan ng mga kasalukuyang senador.
Ang susunod na Senado aniya ang makikinabang dito dahil makakatipid sila ng malaki kumpara sa upa na binabayaran sa GSIS na P171 million kada taon.
Maliban kina Sotto, Senators Franklin Drilon, Dick Gordon at Panfilo Lacson na naunang tumutol sa DDR, naniniwala rin si Senator Sherwin Gatchalian na dapat munang pag-aralang mabuti ang panukala.
Paliwanag ni Gatchalian, nauna na siyang nanggaling sa LGU at kung isusulong ang DDR ay magiging centralized ang approach at mas magiging mahirap para sa mga local government kung ang lahat ng orders ay manggagaling pa sa Metro Manila.
Samantala, para naman kay Surigao del Sur Rep. Ace Barbers, kung magkakaroon ng DDR ay magkakaroon ng direksyon tuwing may kalamidad at hindi nagtuturuan at nagsisisihan.
Ang panukalang pagbuo ng DDR ay isa sa priority measures ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA, at mabilis na napagtibay sa ilalim ng pamumuno ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.