Batay sa datos mula sa kapitolyo, aabot sa 192 puno ang target na putulin para bigyang-daan ang gagawing konstruksyon at pagpapaganda ng paligid ng kapitolyo.
Ayon sa mga kritiko, may maganda at masamang epekto ang pagpuputol sa mga nasabing puno.
Sa panayam ng iFM 104.7 Dagupan, nilinaw ni Ginoong Celso Salazar, President at Founder ng Pangasinan Native Trees Enthusiast, na karamihan sa mga puputuling puno ay exotic species na hindi nakatutulong sa ecological make-up at hindi nakapagbibigay ng stability sa kalikasan.
Gayunpaman, umaapela sila sa provincial government upang iligtas ang 35 na native trees na kabilang sa kabuuang bilang ng mga puputuling puno.
Nagpahayag naman ang pamahalaang panlalawigan na may nakahandang programang tree replacement o pagtatanim ng kapalit na puno, subalit naninindigan ang mga tutol na hindi matutumbasan ng bagong tanim ang dekada nang itinayong mga puno.
Patuloy namang nananawagan ang mga environmental groups ng dayalogo upang pag-usapan ang mas balanseng solusyon bago ituloy ang proyekto.









