
Isinulong ng ilang kongresista na maimbestigahan ng Kamara ang bentahan, paggamit, at pagpuslit sa bansa ng sigarilyong Thuoc Lao.
Ang hirit na imbestigasyon ay nakapaloob sa House Resolution 142 na inihain nina Representatives Lani Mercado-Revilla, Jolo Revilla, at Bryan Revilla.
Binigyang-diin sa resolusyon na labis na nakaka-alarma ang mga report at mga nag-viral na video ukol sa Tuklaw na nagpapakitang nangingisay o parang dumaranas ng seizures ang mga gumamit ng tuklaw.
Tinukoy rin sa resolusyon ang pahayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na maaring may halong ilegal na droga ang Tuklaw tulad ng marijuana, shabu o coccaine.
Ayon sa mga Kongresistang Revilla, layunin ng ikakasang imbestigasyon na mapalakas ang proteksyon sa kalusugan ng mamamayan, lalo na ang mga kabataan, mahadlangan ang pagka-adik sa tuklaw at matiyak na naipapatupad ang mga kaukulang batas laban sa ilegal na bentahan at smuggling nito.









