Pagputol ng BSP sa koneksyon ng e-wallet providers sa online gambling sites, umani ng papuri sa mga kongresista

Umani ng papuri mula sa mga kongresista ang atas ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na i-unlink o putulin ng mga e-wallet provider ang kanilang koneksyon sa mga online gambling site.

Tiwala si Kamanggagawa Party-list Representative Elijah “Eli” San Fernando na ang hakbang ng BSP ay makapipigil sa mabilis na pagkalulong ng ating mga kababayan, lalo na ng kabataan, sa sugal na sumisira sa pamilya at kabuhayan.

Para naman kay FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe Llamanzares, ang aksyon ng BSP ay malaking tulong para maproteksyunan ang kabataan at iba pang sektor gayundin upang matiyak na ang sistema ng pananalapi sa bansa ay hindi magiging daan ng pagkalulong sa sugal.

Sabi naman ni La Union Rep. Francisco “Paolo” Ortega V, nakaaalarma na dahil sa link ng e-wallets sa gambling sites ay naging madali para sa lahat ang makapagsugal kahit nasa loob ng kanilang tahanan.

Nakalulungkot para kay Zambales Rep. Jefferson “Jay” Khonghun na ang madaling access sa pamamagitan ng mobile payments ay nagpalala sa pagka-adik sa sugal kung saan marami ang naubos ang pera, nasira ang pamilya, dumanas ng depresyon habang mayroon pang nagpatiwakal.

Tiwala naman si Manila Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio Jr., na dahil sa deriktiba ng BSP ay magiging produktibo na ang paggamit sa mobile payment services.

Giit naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, deserve ng mga Pilipino ang payment systems na nagtataguyod ng financial stability at hindi naghahatid sa mga delikadong aktibidad.

Nananawagan naman si Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan sa mga kinauukulan na sumunod ng mahigpit sa atas ng BSP at tumulong sa pagpalakas ng consumer protections.

Facebook Comments