Buo ang suporta ni Senator Imee Marcos sa pagkonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte na putulin ang ating diplomatic ties sa Iceland.
Kasunod ito ng paghahain ng Iceland sa United Nations Human Rights Council o UNHRC ng resolusyon na nagpapa-imbestiga sa mga patayan sa bansa sa harap ng umiiral na war on drugs.
Paliwanag ni Marcos, ang pagkalas sa Iceland ay isang paraan para huwag tayong itrato na banana republic.
Naniniwala rin si Marcos na walang epekto sa Pilipinas ang pagkalas sa ating diplomatic ties sa Iceland dahil wala namang overseas Filipino workers doon. Kung meron man ay baka wala pa aniya sa sampu.
Ikinatwiran din ni Marcos na bagama’t may mga nasasawi sa giyera kontra ilegal na droga sa bansa ay iniimbestigahan at pinarurusahan naman ang mga otoridad na umaabuso.
Giit ni Marcos, umiiral ang rule of law sa bansa at hindi ito isinasaisang tabi o binabalewala.
Binigyang diin naman ni Senator Bong Go na bahala na ang pamahalaan sa pagtugon sa mga problema sa loob ng bansa at kung sakali mang may mga petisyon ay mayroon namang Supreme Court na puwedeng lapitan.
Dagdag pa ni Go, makabubuting asikasuhin na lang din ng ibang mga bansa ang kanilang mga sariling problema.