Ipinauubaya na ng Malacañang kay Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon kung puputulin na ng bansa ang ugnayan nito sa Iceland at sa United Nations.
Sa harap ito ng panawagang putulin na ng Pilipinas ang ugnayan nito sa Iceland kasunod ng resolusyon nito sa UN Human Rights Council na imbestigahan ang umano’y mga patayan sa gitna ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo – bahala na ang Pangulo ukol dito.
Pero kung siya ang tatanungin, dapat lang na putulin na ng bansa ang relasyon sa Iceland lalo na kung nagpapahayag ito ng mga posisyong nakakasira sa soberenya ng bansa.
Tiniyak naman ni Panelo na ikinokonsidera ng pamahalaan ang lahat ng bagay na makakaapekto sa interes ng Pilipinas.
Kabilang na rito ang epekto nito sa mga OFW at kalakalan.