Pagratsada ng panukalang pagbaba sa minimum age of criminal liability, pagsunod lang kay Pangulong Duterte – Speaker GMA

Manila, Philippines – Dinepensahan ni House Speaker Gloria Arroyo ang mabilis na pagratsada ng panukalang magbaba sa minimum age of criminal liability sa 9 na taong gulang.

Paliwanag dito ni Arroyo, mabilis ang naging pagtugon ng Kamara sa panukala dahil kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapababa ang edad sa criminal responsibility.

Kabilang aniya ito sa agenda ng Pangulo kaya mabilis na pinagtibay sa House Committee on Justice ang House Bill 8858 na ngayon ay nakasalang na sa plenaryo para sa deliberasyon at pagapruba sa ikalawang pagbasa.


Ayaw namang diktahan ni Arroyo ang mga kongresista patungkol sa magiging laman ng panukala dahil dumaraan na rin ito ngayon sa debate.

Hinahabol naman ngayon ng mga nagtutulak ng panukala na maaprubahan ang House Bill 8858 bago matapos ang 17th Congress sapagkat layunin umano nitong maprotektahan ang kabataan o mga menor de edad laban sa iba’t-ibang sindikato ng krimen na umiiwas na malitis at maparusahan.

Facebook Comments