Pagre-align ng pondo ng Manila Bay White Sand sa COVID-19 reponse, masyado nang huli, ayon sa Malacañang

Hindi na magagawa pa ng executive branch na i-realign ang budget na nakalaan sa rehabilitasyon ng Manila Bay patungo sa COVID-19 response efforts ng gobyerno.

Ito ang pahayag ng Malacañang matapos ihayag ng ilang marine scientists mula University of the Philippines (UP) na ang pagtatambak ng dolomite sand sa Baywalk ay hindi makatutulong para masolusyonan ang problema sa Manila Bay.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nasimulan na ang proyekto sa Manila Bay kaya hindi na maaaring ilipat ang pondo nito sa pagtugon sa COVID-19.


“Itong project na ito was proposed two years ago, included in last year’s budget and only being implemented now,” dagdag ni Roque.

Iginiit ni Roque, maaari lamang ilipat ng executive branch ang pondong inilaan sa isang proyekto kung hindi pa ito nasisimulan.

“Ang mga nare-realign eh yung mga hindi pa po nagsisimulang mga proyekto,” ani Roque.

Una nang sinabi ni Roque na ang Manila Bay Rehabilitation Project ay makatutulong para mapabuti ang mental health ng mga tao sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments