Hindi pa nagre-recruit ang Department of Science and Technology (DOST) ng mga participant para sa isasagawang vaccine mix and match clinical trial sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOST Undersecretary for Research and Development Dr. Rowena Cristina Guevara na hinihintay pa kasi nila ang approval ng Food and Drug Administration (FDA) bago sila makapag-umpisa na mag-recruit ng mga sasali sa nasabing clinical trial.
Ayon kay Dr. Guevarra, bagama’t hindi pa nag-uumpisa ang recruitment process ay handa naman ang kanilang project team na pamumunuan ni Dr. Michelle de Vera of the Philippine Society for Allergy, Asthma and Immunology.
Layon ng 18 month-long project na pag-aralan ang safety at efficacy ng vaccine mixing sa Filipino adults.
Ang inaasahang 3,000 kalahok sa trial ay magmumula sa Manila, Marikina, Muntinlupa, Davao City at Dasmariñas City.