Binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang napaulat na pagre-recycle ng ilang police officers sa nakukuhang iligal na droga sa mga ikinakasa nilang anti-drug operations.
Kasunod ito ng pagsisiwalat ni Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino na ilang police operatives ang natuklasang nagbebenta ng mga nakumpiskang droga o ‘di kaya ay ginagamit ito sa pagtatanim ng ebidensya sa mga bogus na operasyon.
Sa talumpati ng Pangulo sa harap ng newly appointed officials sa Malakanyang kagabi, sinabi niyang dapat nang pagpapapatayin ang mga pulis na sangkot sa ganitong gawain.
Binanatan din ng chief executive ang drug corruption sa mismong mga ahensya ng pamahalaan at ang kabi-kabila umanong mga pagpapalusot sa Bureau of Customs (BOC).
Matatandaang matapos ang pagsisiwalat mg PDEA chief, umani ng pagbatikos at kinuwestyon na ang kredibilidad ng ipinatutupad na war on drugs ng administrasyong Duterte.