Nais ni National Capital Region Police Office acting Director PMGen Sidney Hernia na gawing digitalized ang pag-uulat ng krimen sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Gen. Hernia, ito ay sa pamamagitan ng E-Gov Super App na tatawaging “Anti-Crime Super App” na layong mapabilis ang pagresponde ng pulisya at mapaigting ang seguridad ng publiko.
Aniya, tiwala syang magiging operational na ang super app bago matapos ang taon kung saan sumasailalim na ito ngayon sa testing at trail sa ilang NCRPO district offices sa Metro Manila.
Ang nasabing app ay libreng mai-do-download at dito pwedeng mag-report ng illegal activities o krimen sa pamamagitan ng pag-click sa report button.
Maliban dito, target din ni Gen. Hernia na ipatupad ang paperless o fully digitalized reporting system sa lahat ng police units.
Kasunod nito, nagpahayag naman ng suporta si PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil sa mga inisyatiba ni Gen. Hernia at positibong maipatutupad ang mga pagbabagong ito sa lahat ng police units sa buong bansa.