Pagre-report sa paaralan ng mga gurong walang election-related duties mula May 2-6, kinuwestiyon ng Teachers’ Dignity Coalition

Humihingi ngayon ng paglilinaw ang grupo ng mga guro sa inilabas na kautusan ng Department of Education (DepEd) kaugnay ng suspensyon ng klase sa Mayo 2 hanggang 13.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 29, ilalaan ang mga nasabing araw upang magampanan ng mga guro at iba pang kawani ng ahensya ang kanilang election-related duties.

Pero ayon kay Teachers’ Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas, nitong nakaraang linggo, nag-abiso anila ang DepEd na kailangan pa ring mag-report sa paaralan ang mga guro maski hindi sila magsisilbi sa halalan o walang election-related activities.


Dagdag pa ni Basas, oras na maisalang sa final testing at sealing ang mga vote counting machine (VCM) ay bawal nang pumasok sa mga eskwelahang pinagdalhan nito ang sinuman na walang kinalaman sa eleksyon.

Samantala, wala pa ring nakukuhang tugon ang grupo mula sa Bureau of Internal Revenue at Commission on Elections hinggil naman sa hirit nilang tax exemption sa honoraria at allowance ng mga gurong magsisilbi sa election.

Matatandaang una na itong ibinasura ng Department of Finance.

Facebook Comments