Dapat na pag-aralang mabuti ng pamahalaan ang mga panukalang ibaba na sa Alert Level 1 ang bansa ngayong bumubuti na sitwasyon natin sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Dr. Ted Herbosa, special adviser ng National Task Force Against COVID-19, kahit bumababa na ang kaso ay dapat pa ring bantayan ang mga aktibidad na posibleng maging “superspreader event” gaya ng campaign activities.
Kaugnay nito, sinang-ayunan ni Herbosa ang panukalang i-require ang vaccination card sa mga dadalo sa mga “miting de avance” at political rally.
“Yung makaka-attend sa kanilang mass gathering, kanilang mga miting de avance, proclamation rally at mga political debate, vaccination card ang ipapakita para ikaw, nag-a-attend ka dun hindi mo kilala katabi mo at least alam mo vaccinated ka,” ani Herbosa.
“Pero yan e nasa mga political party na, well, ang sistema nga e ang Comelec ang gumagawa ng guidelines at tinatanong lang kung kokontra ang IATF o hindi,” dagdag niya.
Maliban dito, dapat din aniyang ikonsidera ang antas ng pagbabakuna sa bansa lalo’t limang rehiyon pa lamang ang nakapagbakuna ng 70% ng kanilang target population.
Kaya mungkahi ni Herbosa, maaari ring ibase sa bilang ng mga bakunado kung ano ang paiiraling alert level sa kada rehiyon.
“Kung gusto nilang ibaba yung alert level sa lugar nila e di magpabakuna sila.”
“Nakita naman natin kapag nagbababa tayo ng alert level, kung galing tayo sa 3 talagang naglalabasan yung mga tao, para silang pinapakawalan. Ang feeling natin, kapag minadali natin ito at hindi pa kumokonti yung kaso natin e dumami ulit ito,” giit pa ni Herbosa.