Pagre-resign ng ilang volunteer doctors ng DOH, malaking kawalan ayon sa PGH

Aminado ngayon ang Philippine General Hospital (PGH) na malaking kawalan ang pagre-resign ng nasa 10 volunteer doctors mula sa Department of Health (DOH).

Sa isang panayam kay Dr. Jonas del Rosario na tagapagsalita ng PGH, sinabi nito na hindi nila masisisi at nirerespeto nila ang naging desisyon ng mga nagbitiw na volunteer doctors ng DOH.

Nanghihinayang lang ang pamunuan ng PGH dahil malaki at maraming naitutulong ang mga nasabing doktor sa kanilang hospital.


Iginiit ni del Rosario na kinakailangan muling mag-adjust ng manpower ang PGH, lalo na ngayong nasa halos 100% na ang kapasidad ng hospital para sa mga pasyenteng may COVID-19.

Nabatid na nasa 298 na pasyente na ang nananatili sa kanilang mga COVID-19 wards kung saan nasa 300 lamang ang inilalaan nilang kama para sa mga ito.

Dagdag pa ni del Rosario na may 35 pasyente pa ang naghihintay sa kanilang emergency room (ER) na ginawang extension ng ICU ng kanilang COVID-19 facility.

Ito’y dahil sa karamihan sa mga pasyente sa ER ay kailangan ng ventilator at hi-flow oxygen kung saan hindi naman ito kayang suplayan ng PGH kung sila ay maa-admit.

Bukod dito, may 100 COVID-19 patient pa ang nasa kanilang waitlist kung saan ang iba sa mga ito ay nasa kani-kanilang tahanan na naghihintay na tawagan at sunduin ng transfer command center ng PGH.

Payo ni del Rosario na maghanap muna ang mga pasyente ng ibang hospital na may sapat na suplay ng oxygen, pero aminado ang doktor na mahirap ang sitwasyon ngayon lalo na’t punuan ang ilang mga ospital.

Kaugnay nito, isasara muna ng pamunuan ng PGH ang ilan nilang non-COVID-19 facilities para madagdagan ang kanilang mga COVID-19 beds na may mga available na oxygen ports.

Facebook Comments