Maituturing na “constructive illegal dismissal” kung napilitan ang isang empleyado na mag-resign sa trabaho kapag nakaranas ito ng pang-aabuso mula sa kaniyang employer.
Ito ang ruling ng Supreme Court Second Division sa isang kaso ng empleyado na nagbitiw sa trabaho sa isang automobile company.
Ayon sa SC, maituturing na constructive illegal dismissal ang anumang aksyon na nagpapakita ng kawalan ng interes o pagkaayaw ng employer sa kanyang empleyado.
Kasama na rito ang demotion sa trabaho, pang-iinsulto, at kawalan ng malasakit, na nagdulot para hindi na kayanin ng empleyado na pumasok sa trabaho at mapilitan na lang na mag-resign.
Batay sa ponente ng desisyon na si Associate Justice Amy Lazaro-Javier, bagama’t hindi naiiwasan ang mabibigat na salita sa trabaho dahil sa mga argumento, hindi rin nito dapat matapakan ang dignidad ng isang empleyado.
Binaligtad din ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals sa kaso ng empleyado ng automobile company, na napilitang mag-resign matapos i-demote at pahiyain ng mga opisyal ng kompanya.
Hinarang din umano ng kanyang general sales manager ang pagproseso sa isang benta at tahasang tinanong ng kanyang boss kung plano na niyang mag-resign.
Dahil dito, inatasan ng Korte ang kumpanya na ibigay sa complainant ang kanyang buong back wages, separation pay, at mga nalikom na komisyon.
Pinagbabayad din ang mga ito ng danyos at attorney’s fee.