Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Chief Pol. Gen. Guillermo Eleazar na bukas ang PNP sa pagrebisa ng Department of Justice (DOJ) sa mga kaso ng pulis na na-clear ng Internal Affairs Service (IAS) ng PNP.
Ginawa ni PNP chief ang pahayag matapos sabihin ng DOJ na balak nilang i-review ang mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga kung saan inabswelto ng IAS sa kasong administratibo ang mga sangkot na pulis.
Pagtitiyak ni Eleazar na walang tinatago ang PNP at ibibigay ang kanilang buong kooperasyon sa DOJ.
Tiwala rin aniya ang PNP sa desisyon ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa usaping ito.
Matatandaang nagsumite ang PNP sa DOJ ng mga case folder ng mga anti-illegal drug operations kung saan may mga namatay, upang maimbestigahan ng DOJ.