Naniniwala sina Presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson at Vice Presidential candidate Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na hindi na kakayanin pa ng kasalukuyang Kongreso na maihabol ang pagpasa sa pagrebisa o pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Ito ay sa kabila ng pag-apruba ng House Committee on Energy sa mga panukala na nag-aamyenda sa batas.
Ayon kay Sotto, malabo ng matalakay nila ang pagrebisa sa Oil Deregulation Law dahil sa masikip na ang kanilang kalendaryo at hindi siya tiyak kung kakayanin pang talakayin ang panukala sa mga nalalabing session days ng 18th Congress.
Ipinaliwanag naman ni Lacson na mula sa Komite, kailangan pang dumaan ang panukala sa plenaryo ng Kamara bago ito maitransmit sa Senado.
Dagdag pa ni Lacson na pagdating naman aniya sa Senado ay kinakailangan pang magsagawa ng Committee Hearings hanggang sa pagdebatehan ang panukala sa plenaryo.
Sa kabilang dako, maaari aniyang maikunsidera ang panukala depende sa urgency nito.
Uminit ang usapin sa panukalang pagbasura sa Oil Deregulation Law dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.