Pagred-tag ng National Intelligence Coordinating Agency sa isang unyon sa Senado, nagdulot ng takot at kaba sa mga miyembro nito

Nagdulot ng takot at kaba sa isang unyon sa Senate of the Philippines ang ginawang pagred-tag dito ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director General Alex Paul Monteagudo.

Ito ay matapos sabihin ni Monteagudo na kaisa ng grupo ang Communist Party of the Philippines (CPP) at ang New People’s Army (NPA).

Ayon kay Rosel Eugenio, Pangulo ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (SENADO), kung dati ay proud silang ipinapakita ang kanilang ID sa mga checkpoint ay nagbago na ito ngayon.


May isa rin anilang nagpapakilalang ‘Lyn’ at hinihingi ang personal na impormasyon ng lahat ng miyembro ng unyon, ngunit kalaunan ay hindi naman pala nila kasapi.

Una nang ipinagtanggol ng ilang Senador ang unyon kabilang sina Minority Leader Franklin Drilon, Senator Risa Hontiveros, Senator Leila de Lima, at Senator Francis Pangilinan na naglabas ng pahayag sa isyu.

Sa ngayon, kinundena na ng Makabayan Bloc ang pag-uugnay ng pinuno ng NICA sa unyon ng mga empleyado ng senado.

Maituturing kasi anilang lehitimong grupo ng mga empleyado ang ‘SENADO’ na kinikilala ng Department of Labor and Employment (DOLE), Civil Service Commission (CSC) at Senate Bureaucracy.

Habang hindi rin matatawaran ang track record nito sa mataas na kapulungan para tunay na katawanin at isulong ang mga karapatan, interest at kapakanan ng mga miyembro nito.

Facebook Comments