Walang nakikitang dahilan si Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara para hindi matupad hanggang 2022 ang pagrehistro sa 90-milyong mga Pilipino sa Philippine Identification System ID (PhilSys ID).
Pahayag ito ni Angara, makaraang sabihin ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua sa budget hearing ng Senado na irerehistro sa PhilSys ID ang 90 milyong Pilipino bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa June 2022.
Kaugnay nito, hinihingi ni Angara sa National Economic and Development Authority (NEDA) ang buong detalye kaugnay sa programa upang matukoy kung ano ang maaaring maitulong ng kongreso para sa ikatatagumpay nito.
Ang PhilSys ID na tinatawag ding national ID ay magiging basehan ng pagkakakilanlan ng bawat indibidwal at may unique number ito na gagamitin sa lahat ng importanteng ID tulad ng driver’s license pati sa passport.
Magagamit din ang PhilSys ID sa pagbubukas ng bank accounts at pakikipagtransaksyon sa gobyerno at pribadong sektor.
Binanggit ni Angara na ang kawalan ng PhilSys ID ay isa sa mga pangunahing dahilan kaya nagka-problema sa pamamahagi ng ayuda para sa mahihirap at labis na apektado ng pandemya.
Tiniyak ni Angara na sa pamamagitan ng PhilSys ID ay maipagkakaloob ng gobyerno sa takdang oras ang mga serbisyo at tulong nito sa mga target na benepisaryo.