Iginiit ni Senator Grace Poe ang kahalagahan na balikan at suriin ang Anti-Bullying Act of 2013 sa layuning mapalakas pa ito laban sa mga kaso ng bullying.
Sinabi ito ni Poe matapos kumalat sa social media ang insidente ng bullying na kinasangkutan ng Ateneo high school student.
Ayon kay Poe, kahit na sinong makapanood sa video ay maiintindihan na ang bullying ay isang kasuklam-suklam na aksyon at insulto sa ating pagkatao.
Bunsod nito ay nais ni Poe na maipaloob sa batas ang kautusan sa lahat ng paaaralan na magkaroon ng kongkreto at agarang aksyon sa mga kaso ng bullying sa kanilang mga estudyante.
Ipinunto ni Poe na sa kasalukuyang batas ay nasa diskresyon ng administrasyon ng paaralan kung kailan nito nais na umaksyon sa kaso ng bullying.
Diin ni Senator Poe, isang maaaring amyenda sa batas ay ang pagtanggal sa pagpapasyang ito ng mga paaralan at sa halip ay dapat silang obligahin na bumuo ng komite na agad maglalatag ng nararapat na aksyon kaugnay sa mga insidente ng bullying.