Itutulak ni Committee on Ways and Means Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang pagamyenda sa batas na nagbabawal sa pagbenta ng ukay-ukay o mga segunda manong damit.
Nilinaw ni Gatchalian na hindi ang mga tindahan ng ukay-ukay ang problema kundi ang mga importers ng ukay-ukay na nagpapasok sa bansa ng mga second-hand na damit na hindi man lang nagbabayad ng buwis.
Aniya, kailangang pag-aralan na kung praktikal pa bang ipagbawal ang bentahan ng ukay-ukay gayong laganap na ito sa buong bansa.
Ito na rin ay para aniya sa pagkolekta ng buwis kung gagawing legal ang ukay-ukay.
Karaniwan aniyang idinideklara ng importer na para sa donasyon ang mga second-hand na damit gayong ito ay ibinebenta pala sa mga lehitimong sellers.
Naunang iminungkahi ni Senator Raffy Tulfo ang pag-regulate gayundin ang pagbubuwis sa mga ukay-ukay sa halip na ang habulin ay mga vloggers at online sellers.