Target ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na matapos sa loob ng dalawang linggo, o mas maaga pa, ang pagrepaso sa budget ng DPWH para sa 2026.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ibinigay na niya kay DPWH Secretary Vince Dizon ang mga guidelines para sa masinsinang pagbusisi sa pondo ng ahensiya.
Giit ni Pangandaman, ito ang unang pagkakataon na nire-review muli ang National Expenditure Program na naipasa na sa Kongreso.
Sabi naman ni Dizon, agad niyang kakausapin ang mga regional directors para himayin ang budget, lalo na ang mga proyektong napuna ng mga mambabatas.
Aminado siyang mabigat ang trabaho dahil aabot sa 700 pahina ang kailangang pag-aralan.
Tiniyak naman ni Pangandaman na maihahabol ang revised budget sa Kongreso sa itinakdang panahon at hindi maaantala ang deliberasyon ng 2026 budget, kaya hindi rin mauuwi sa reenacted budget ang proseso.









